Home
Paano kung gumala ang hilaga? [entries|archive|friends|userinfo]
Mitch

[ website | Habang Naggagala ang Hilaga ]
[ userinfo | livejournal userinfo ]
[ archive | journal archive ]

Pagtakas sa Isang Lumulubog na Bangka [Nov. 19th, 2009|02:09 pm]
[mood | numb]

Napanood ko kanina sa ANC ang konperensiya ng LAKAS-KAMPI-CMD. Punong-puno ang dating PICC. Engrande ang entablado--malalaki't maliliwanag na video screen ang telon na gumagalaw pa. Sa mga naroon, nagkalat ang mga lobo at plakard. Estilo talagang Democratic o Republican Convention sa Amerika. Pero isa lang itong walang katuturang pag-iingay at wala naman talagang kapangyarihan ang LAKAS-KAMPI-CMD pagdating sa pambansang antas. (Sa tingin ko mananatili pa ring makapangyarihan ang LAKAS-KAMPI sa lokal na antas maliban na lang kung maging matalino ang mga botante at tanggalin ang lahat ng mga bumoto para sa HR 1109.) Walang-wala halos si Gibo Teodoro. 4% pagdating sa SWS survey. 4%! May margin of error pa sila ng 2.5%. Parang hindi ka umiiral noon. Mas mataas pa ang ranggo ni Erap. At may masamang kasaysayan na si Erap noon. Kagaya nga ng sinabi ni MLQIII sa kolum niya, isa itong laban sa pagitan ni Manny Villar at Noynoy Aquino para sa pagkapangulo. Bukod pa diyan, marami ang nag-aaklasan mula sa LAKAS-KAMPI tungo sa ibang mga partido tulad ng Nacionalista at Liberal. Ewan ko ba pero pakiramdam ko, habang pinapanood ang konperensiya ng LAKAS-KAMPI-CMD, parang nag-aaksaya lang ako ng oras.
linkpost comment

Mga Sandali ng Apokalipsis [Nov. 16th, 2009|03:00 pm]
[Tags|]
[mood | hungry]

1. Kawalan ng Langis

Tinanggal na ang price ceiling para sa mga produkto ngayong araw ngunit naging interesante ang pagbabanta ng mga korporasyon ng mga langis ng kakulangan sa langis dulot ng price ceiling na ipinataw ng pagkatapos ng Ondoy at Peping. May mga balita na may mga istasyon ng gasolina sa Metro Manila hanggang sa mga lalawigan ang nauubusan ng gasolina’t napipilitang magrasyon at magsarado. At naging tensiyunado ang buong bansa. Mahirap linawin kung gaano naging kalala ang problema (may tendensiya kasi na maging eksahirado ang balita sa TV).

Nakakatawa lang talaga ang lohika ng korporasyon ng “kita muna”. Naging dating talaga sa akin ay black mail ang nangyari. Kung hindi rin nga naman sila kikita e di huwag na lang. Hindi naman sa sinusuportahan ko ang price control at ang EO 839 pero naging malinaw lang kung kaninong kapakanan ba talaga ang binabantayan at sinusubaybayan ng mga korporasyon. (Hindi naman sa sobrang galing ng track record ng Administrasyong Arroyo sa kung ano-ano.) At interesante nga na ang BSP mismo’y nagsasabi na hindi pa naman kailangan ng price increase sa petrolyo. Ewan ko ba kung ginagago lang talaga nila tayo o krisis na nga ba talaga.

2. Lindol

Ako lang ba o parang ang dami ng mga lindol akong nakikita sa balita dito sa Pilipinas? Sa nakalipas na dalawang buwan, marami-raming magnitude 5 pataas na lindol ang naganap sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Pero kung titingnan nga ang website ng PHIVOLCS, parang normal lang naman talaga ang isang magnitude 5. Kaya baka epekto naman ng panonood ng TV ito. Pero pagkatapos ng mga lindol sa Indonesia, hindi rin naman kataka-taka na maging sensitibo sa mga balitang tulad nito.

3. 2012

Ewan ko kung bakit may mga kaso na naniniwala ang mga tao na matatapos ang mundo sa 2012 (Disyembre 21 to be exact) pagkatapos mapanood ang pelikulang “2012”. Napanood ko na ang pelikula at malinaw na kalokohan ang pseudo-science na nililikha ng pelikula bilang dahilan ng pagtatapos ng mundo. At, ano ba, ang pangit-pangit ng pelikula para paniwalaan.
linkpost comment

ANI 35 Press Release [Nov. 11th, 2009|03:10 pm]
[mood | sick]

CCP launches 35th issue of Ani publication

11 November 2009, Pasay City – The Cultural Center of the Philippines (CCP) Literary Arts Division will launch Ani 35, The Pinoy as Asian issue, on November 26, 2009, 6:00 p.m., at the CCP Ramp with some of the featured authors reading from their works.

“Ani 35 is devoted to writings by Filipinos on their interaction with other Asian peoples and cultures. This may be interpreted as a response to the call of Dr. Bienvenido Lumbera, National Artist, on the need to reconnect with Southeast Asian literary tradition if we are to survive in this age of globalization,” Herminio S. Beltran, Jr., Literary Arts Division chief and editor of the publication, wrote in the Introduction. “We hope this will inspire the birthing of mechanisms and eventually practices in the Philippine literary/publishing world that will start off a more dynamic interaction among Filipino writers and their counterparts in the Asian continent,” Beltran continued.

Ani 35 features 54 authors who contributed for three sections: poetry; prose (essay and fiction) based on the The Pinoy as Asian theme and; Malayang Haraya for poetry and prose contributions outside the theme.

The 54 authors included in Ani 35 are Mark Angeles, Lilia F. Antonio, G. Mae Aquino, Genevieve L. Asenjo, Abdon M. Balde, Jr., Janet Tauro Batuigas, Gil Beltran, Herminio S. Beltran, Jr., Kristoffer Berse, Jaime Jesus Borlagdan, Raymond Calbay, Catherine Candano, Nonon V. Carandang, Christoffer Mitch Cerda, Joey Stephanie Chua, Kristian S. Cordero, Genaro R. Gojo Cruz, Carlomar Arcangel Daoana, Arvin Tiong Ello, Dennis Espada, Rogerick Fontanilla Fernandez, Reparado Galos III, Dr. Luis Gatmaitan, Joscephine Gomez, Malou Jacob, Ferdinand Pisigan Jarin, Karla Javier, Phillip Kimpo, Jr., Ed Nelson R. Labao, Gexter Ocampo Lacambra, Erwin C. Lareza, Jeffrey A. Lubang, Glenn Sevilla Mas, Perry C. Mangilaya, Noahlyn Maranan, Francisco Arias Monteseña, Ruth V. Mostrales, Victor Emmanuel Nadera, Jose Velando Ogatis-I, Wilhelmina S. Orozco, H. Francisco V. Peñones, Jr., Scott Magkachi Sabóy, Judith Balares Salamat, Edgar Calabia Samar, Louie Jon A. Sanchez, Soliman Agulto Santos, Dinah Roma-Sianturi, Rakki E. Sison-Buban, Jason Tabinas, Vincent Lester G. Tan, Dolores R. Taylan, Rosario Torres-Yu, Betty Uy-Regala, and Camilo M. Villanueva, Jr.

For issues of Ani, please contact the CCP Marketing Department at 551-7930 or 832-11-25 locals 1800 to 1808. For authors who want to contribute for the next issue of Ani, please contact the CCP Literary Arts Division at 832-11-25 locals 1706 and 1707, or email aniyearbook@yahoo.com.


linkpost comment

Rebyu Edition: Sembreak (Ingat: May Spoilers) [Oct. 28th, 2009|10:28 pm]
[Tags|]
[mood | sleepy]

1. Virgintarian at Iba Pang Kuwento

Tinitipon sa aklat na ito ang mga kuwento ni Mayette Bayuga. Sa introduksiyon ng aklat, ginugrupo ni Rosario Cruz Lucero sa tatlong hanay. Una, mga kuwentong inisasyon o coming-of-age. Pangalawa, mga kuwentong may maigting na paglalahad ng sexual politics lalo ng feminismo. Pangatlo, mga kuwento ng pagiging "iba" ng babae, wika nga ni Lucero. Interesante ang mga kuwentong nasa unang hanay dahil sa sensitibidad at pinong paghawak ni Bayuga ng kanyang materyal. Bagaman hindi na bago ang mga ganoong uri ng kuwento, sa kamay ni Bayuga, umaangat sa ibang antas ang mga kuwento. Halimbawa na lang ang "Unang Baytang." Bagaman walang banghay at tungkol lamang sa unang araw sa eskwela ni Sarah. Ngunit puno ng tensiyon ang kanyang unang araw dahil ipinamamalas ang kawalang-inosente ng mga bata. Na sa mga murang edad, puno na sila ng mga prehuwisyo. Nakakaasiwa naman ang mga kuwento sa pangalawang hanay at sa tingin ko, iyon naman talaga ang gustong gawin ni Bayuga. Napakatindi ng kuwento sa paglalarawan ng pagkaapi ng kababaihan sa mga relasyon sa mga lalaki. May tendensiyang maging istereotipikal ang paglalarawan ng mga lalaki sa hanay ng mga kuwentong ito ngunit nauunawaan ko naman iyon dahil nga dinadala sa sukdulan ng mga kuwento ang pang-aapi sa mga babae. Na ang mga lalaki'y mga representasyon ng patriarkiya at hindi lamang mga a**hole na nang-aapi ng kanilang mga asawa/kinakasama. Kaya nga kapag itinuturo ko ang "Ang Baliw," palagi kong sinasabi sa mga lalaki kong estudyante na hindi nila kailangang maging masyadong mailang o malungkot kasi ganoon lang talaga. Sa huling hanay ng mga kuwento lumalabas ang eksperimentasyong ambag ni Bayuga sa pagkukuwento. Karamihan sa mga kuwentong nasa hanay na ito'y patungkol sa natatangi ngunit marginal na kalagayan ng mga babae partikular ang babae bilang babaylan. Lahat ng mga kuwento sa kalipunan ay may dating at salimuot na maaaring pag-isipan.

2. Shame

Tungkol at di-tungkol sa Pakistan ang nobelang ito. Malinaw itong sinabi ng tagapagsalaysay sa loob ng nobela. Puno ng mga tauhang batay sa mga tunay na tao habang naghahalo sa mga kathang nilalang. Bagaman may pangunahing tauhan, si Omar Khayyam Shakil, na itinatanghal ang tagapagsalaysay, hindi naman talaga siya ang pangunahing paksa at pakay ng nobela. Sa pamagat pa lang, itinatanghal na ang pangunahing tema ng nobela: shame o hiya. Nagsisimula ang nobela sa kawalanghiya at nagtatapos sa panunubos ng kawalanghiyaang namamayani sa kabuuan ng nobela. At pangunahin nang pinagkakaabalahan ng mga tauhan ang hiya o kawalan ng hiyang kanilang nararamdaman. Para kay Omar Khayyam, ang kawalanghiyaang nararamdaman niya sa kanyang pinagmulan at sa kawalanghiyaang damdamin ng kanyang mga ina. Para kay Raza Hyder, ang nanggagaling ang hiya sa kanyang kakulangan bilang sundalo at bilang lalaki. Para kay Bilquis, asawa ni Raza, resulta ang kanyang hiya ng terorismong kanyang naranasan noong dalaga siya't iniligtas siya ni Raza. At ang lahat ng kawalanghiya at hiyang nararanasan nila'y ipinamamalas nang literal ni Sufiya Zinobia, anak nina Raza't Bilquis. At ito nga ang pangunahing nagpapatakbo hindi lamang sa buhay nila kundi sa buong bansang maaaring hindi Pakistan. At matatapos ang lahat sa literal na pagkasawi ng mga tauhan dahil sa kanilang hiya't kawalanghiya.
linkpost comment

Rebyu Edition: Pelikula (May Spoilers) [Oct. 10th, 2009|01:59 pm]
[Tags|]
[mood | calm]

In My Life )

Blow-Up )

Infernal Affairs )
linkpost comment

Post-Apocalyptic Commentary [Sep. 30th, 2009|07:12 pm]
[mood | annoyed]

1.

Kahapon, ginawang relief center ang Malakanyang. Kaya hindi kataka-takang marami ang pumuntang mga tao sa Malankang para humingi ng tulong. Pero kataka-taka ang anunsiyong ginawa ni Esperon sa mga taong nandoon. Huwag na raw silang pumunta sa Malakanyang dahil ang pagkain at mga kagamitang ipinapake doon ay para sa mga higit na nangangailangan sa mga bayan ng Cainta, Pasig at Marikina. Marahil kaugnay ito ng napansin ni Sir Roland Tolentino sa kanyang column sa Pinoy Weekly. Mga kakatwang anunsiyong puno ng kabalintunaan. Kasi nga bakit pupunta sa Malakanyang ang mga taong iyon kung hindi sila nangangailangan? Hindi ba halos buong Metro Manila, lalong-lalo na ang mga malalapit sa mga ilog at mga mababang lugar ang tinamaan ng baha? Hindi ba malapit ang Malakanyang sa mga barangay na binaha rin ng umapaw na ilog? Ewan ko, parang napaka-insensitive lang ng anunsiyo ni Esperon.

Mula sa Pangalawang Pangulo ng mga Paaralang Loyola )
linkpost comment

Post-Apocalypse [Sep. 28th, 2009|07:05 pm]
[mood | blank]

1.

Tinulugan ko lang ang bagyo noong Sabado. Oo, tinulugan ko lang. Nagsusulat kasi ako ng unang draft ng thesis proposal at nagpupuyat noong mga nakalipas na mga gabi. Gumising ako nang mga alas nuwebe at tumanaw mula sa bintana at wala ako halos makita sa tanawin. Ganoong kalakas ang ulan, hindi ko makita ang ibang mga bahay mula sa mataas-taas na palapag ng condominium. Kumain ako ng agahan at pagkatapos e natulog na ulit. (Natulog ampota!) Hapon na nang magising ulit ako. Bumili ako ng tinapay (kahit na umuulan pa rin) para sa hapunan. Nakakuha ako ng tawag mula sa mga magulang ko nang mga 9:30 at nakibalita mula sa kanila at sa nangyari sa mga kapatid na nasa Taft. Alas dos na ako nakatulog kasi nabasa pa ako't nagbalot ng libro. (Nagbasa at nagbalot ampota!)

Kahapon nagkita-kita kami ng pamilya sa Glorietta. (Nagmall ampota!) Sumakay lang ako ng LRT2 at MRT3. Doon ko napansin ang pagkasalanta ng ilang mga lugar. At napansin ko din na may putik ang mga binti't paa ng ilang mga kasabay sa tren. Kaya tinext ko lahat ng mga kakilala: "Happy post-apocalyptic Sunday sa inyong lahat! Sana manatiling ligtas kayong lahat." (Nag-joke ampota!)

Pagkauwi, pagkatapos makakuha ng text mula kay Sir Je, doon ko namalayan ang bigat ng lahat at ni-raid ko ang aking pantry. Kinuha't inilagay sa plastic bag ang ilang mga bagay na nakita doon na hindi ko naman makakain kaagad kasi medyo puno pa ang ref ko.

Kanina, pumunta ako ng Ateneo. Hapon na noon. Inaantok pa rin e kaya ganoon. Una akong pumunta sa De La Costa pero walang tao sa Kagawaran. Kaya, dala-dala ang bag ko ng pagkain, dumiretso na ako ng Cov Courts. Papunta doon nakapagtatakang makakita ng mga taong walang dalang payong na naglalakad sa Ateneo. Pero nakakatuwang makakita ng maraming tao doon sa Cov Courts. Parang iyong isang maayos na kaguluhan. Iniwan ko na lang aking plastic bag ng kung ano-ano at umalis na rin. Kahit na patulog-tulog ako nitong mga nakalipas na mga araw, wala talaga akong stamina para sa mga ganoong bagay.  Nakakuha din ako ng balita mula kay Sir Je na okey na raw ang karamihan ng mga taong hindi namin makontak sa Marikina. kaya umuwi na lang ako, umidlip at nagbasa. (Umidlip at nagbasa ampota!)

2. Mga link

Tungkol sa Bagyong Ondoy. Mula sa NY Times. Mula sa BBC News. Mula sa CNN. Mula sa The Age. Mula sa The Guardian.

Isang listahan ng mga relief centers sa Pilipinas.

Kung bakit hindi masayang makipag-usap sa mga manunulat.

linkpost comment

Dahil kailangang ipagmayabang ang nabili sa Book Fair... [Sep. 19th, 2009|08:32 pm]
[mood | tired]

1.

Langya, masakit pa rin ang paa't binti. Pero heto na:

1. "El Indio," Francisco Coching, Vibal Publishing, 2009
2. "The Kite of Stars and Other Stories," Dean Francis Alfar, Anvil Publishing, 2007
3. "The Revolution According to Raymundo Mata," Gina Apostol, Anvil Publishing, 2009
4. "Eros, Thanatos, Cubao," Tony Perez, Cacho Publishing, 1994
5. "Beyond Paris: Contemporary French Stories," Cacho Publishing, 1998
6. "Religion of the Katipunan," Isabelo de los Reyes, National Historical Institute, 2009
7. "Speeches, Articles and Letters," Graciano Lopez Jaena, National Historical Institute, 1994
8. "Sawikaan 2007," UP Press, 2008
9. "Pag-aklas/Pagbaklas/Pagbagtas," Rolando Tolentino, UP Press, 2009
10. "Globalization and Becoming-Nation," Elmo Gonzaga, UP Press, 2009
11. "The Birthing of Hannibal Valdez," Afrredo Navarro Salanga, New Day Publishing, 1984
12. "Fortess in the Plaza," Linda Ty-Casper, New Day Publishing, 1985
13. "Parang," Mesandel Virtusio Arguelles, High Chair, 2008
14. "Samsara," Allan Popa, High Chair & AVHRC, 2002
15. "Alunsina's Wrist," Kristine Domingo, High Chair, 2004
16. "You Are Here," Mabi David, High Chair, 2009

Iyon lang.

2.

Book launch nga pala kahapon ng unang isyu ng Heights para sa taong pampaaralan na ito. Hindi maganda ang isyu kasi wala ako. (Egotistic much?) Pero seryoso, kumuha kayo ng kopya hangga't meron pa.
link2 comments|post comment

Maikling lang... [Sep. 7th, 2009|05:33 pm]
[Tags|]
[mood | stressed]

1.

Naging nakakapagod ang nakalipas na linggo dahil sa pagsasaayos ng mga application at entry para sa UBOD at Ateneo National. Mga hapon na sorting at filing, sorting at filing. Kaya madalas akong nakakatulog pagkauwi noong isang linggo. Nakapatong pa diyan ang sakit ko. (Kaunting ubo lang naman at sakit ng katawan at lagnat.) Hindi naman sa nagrereklamo ako. Ganoon lang talaga ang nangyari. Isang interesanteng pangyayari nga lang e mukhang coordinator ako para sa workshop dahil ginawang direktor ng workshop si Yol, ang coordinator ng nakalipas na mga taon. Si Egay dapat ang direktor, tulad ng nakalipas na mga taon, pero nagpaliban siya dahil sa kanyang compre para sa Ph.D. Kaya iyon, mukha mas malaki nang kaunti ang role ko para sa workshop ngayong taon.

(Oy, tsismis, may mga napili na kaming ilang fellows. Hintayin lang ang kabuuang listahan sa susunod na linggo. Tease, hahaha)

2.

Birthday ni Dad kahapon. Nag-hotel siya at ang mga kapatid ko. Hindi na sumama. May sakit e. Sumama lang ako sa hapunan noong Sabado. Iyon lang naman talaga ang ginawa ko nitong long weekend. Nagpahinga. Dahil siguradong tambak na naman para sa paghahanda sa ANWW.

3.

Binigyan ako ni Mama ng mas matapang na antibiotics. Mukhang gumagana naman.

4.

Shit, bumabagal ang paggawa ng thesis. May malinaw na naman akong gustong gawin. Malinaw na ang statement of the problem. Malinaw na kung ano ang gagawin ko para sa kabuuan ng thesis. Medyo tuliro lang siguro at out of focus.
linkpost comment

Paglulunsad ng "The Highest Hiding Place" ni Sir Larry Ypil [Sep. 4th, 2009|01:25 pm]
[mood | thirsty]

You are warmly invited!

Palanca and Free Press winner Lawrence Lacambra Ypil's first book of
poems, The Highest Hiding Place, will be launched on Monday, September
7
, from 6.30 pm, at Mag:net (in front of Miriam College), Katipunan
Ave., Quezon City. The event will feature readings and performances by
Ypil's mentors, colleagues, friends, and fellow poets.

Highest Hiding Place gathers Ypil's award-winning works and other
pieces, and charts his more than a decade's exploration of the
intersections of desire, displacement and voice. In the book's
foreword, Simeon Dumdum Jr., finds that "[m]ost of these poems have to
do with the house in which the poet grew up and which he now sees from
his imaginary loft--the area by the screen door, under the old clocks,
beside the vases, the lemon tree in the yard around which his father
cut away for more air and sun. Which brings us to the man, a doctor,
whom the poet sees tenderly attending to his patients." And to his
mother, whose "Garden" is a quiet poem of order and love and time and
death. Adds Dumdum, "In and through these the poet sees his own life."

Much of this life Ypil has spent in Cebu, where he was born and
raised. He studied medicine before deciding to teach poetry and
creative writing at the Ateneo de Manila University. His bimonthly
column comes out in Sun Star Weekend. As a biology major at the
Ateneo, Ypil received the Dean's Award for Creative Writing: Poetry,
and the Mulry Award for Literary Excellence.

Highest Hiding Place is available at the Ateneo Press bookshop, the
Loyola Schools bookstore (426-6001 loc. 5184), Popular (372-2162),
Solidaridad (523-0870), and soon in other good bookstores. (Mag:net
929-3191; Press bookshop 426-5984; unipress@admu.edu.ph,
www.ateneopress.org)

Thank you, we hope to see you!
linkpost comment

23 [Sep. 1st, 2009|02:49 pm]
[mood | sick]

1.

Kahapon, nagkasakit ako. Kaya imbes na ayusin ang thesis proposal, o kaya manood ng "District 9", nakahilata lang ako nang buong araw. Isang nakatutuwang birthday gift.

2.

Buong buwan ng Agosto ay Buwan ng Wika at Kultura sa Ateneo. Nagbukas ang mga aktibidad ng Buwan ng Wika sa pagbubukas ng eksibit at pagpaparangal kay Fr. Roque Ferriols para sa kanyang ambag sa pagtuturo ng pilosopiya sa wikang Filipino. Sunod na malaking gawain ay isang panayam na ginanap sa Leong Hall noong ika-12 ng Agosto. May pamagat na "Pagmamakata sa Filipino, Pagmamakata at Pilosopiya," naging tagapagsalita sina Sir Mike Coroza at Dr. Jean Page-Tan. Nakalagay sa aking Multiply ang mga audio file ng panayam. Tatlo namang panayam ang inihanda ng Heights at Kagawaran ng Filipino: "May quota ang pag-ibig: ang panulat ni Ricky Lee", "Kasarisarian" at "Bigkasaysayan". Sayang at hindi ko nai-record ang "Kasarisarian" dahil interesante ang naging talakayan tungkol doon sa pagitan nina Yol Jamendang, Ma'am Beni Santos at Larry Ypil. Nakakatuwang malaman ang creative process ni Ricky Lee bagaman nagtapos ang panayam sa isang segment ng "Dr. Love". "Is love worth it" amputa. Nagsilbi ang "Bigkasaysayan" bilang isang performance night ng iba't ibang anyo. Mga tradisyunal na musika, dagli at protest/indie songs care of Jess Santiago. Naging maganda naman ang pagdaraos ng Sagala ng mga Sikat. Hindi umulan at maagang natapos. At nagtapos ang lahat sa KA, kung saan pinarangalan ang lahat ng mga nagwagi sa iba't ibang mga timpalak at sa mga nagwagi sa Sagala ng mga Sikat.

Dahil kaya sa Buwan ng Wika kaya ako nagkasakit?

3.

Binabasa ko ngayon ang "Collected Fictions" ni Jorge Luis Borges na hiram ko mula kay Egay dahil, ayon na nga kay Sir Vim, baka makatulong sa thesis. Mukhang may pagkakahawig nga ang ginagawa ko ngayon sa thesis sa mga temang ginawa na noon ni Borges. Akala ko baliw na ako sa ginagawa kong proyekto, mas baliw talaga si Borges.

4. links

Paano lalabanan ng mga British ang mga asteroids.

Picture ng isang molecule.



linkpost comment

Ilang tala tungo sa isang thesis proposal [Aug. 28th, 2009|03:21 pm]
[Tags|]
[mood | amused]

Noong high school, naaalala kong nakatambay lang kaming magkaklase. Hindi ko tanda kung bakasyon noon o tanghalian lamang ng isang school day o kung ano. Basta ang naaalala ko’y nakatambay lang kami. Dahil mga nerd kami, pinag-usapan namin ang mga paborito naming mga klase. Siguro mga 4th year na kami noon at nagpapaka-nostalgia dahil malapit na kaming magtapos. Pinag-usapan namin kung gaano namin kagusto ang Algebra at gaano kahirap ang Physics. Naaalala kong sinabi kong ayoko sa Philippine History dahil palaging talo ang mga Filipino. Walang pag-aalsa ang lubusang nagtagumpay. Ano’ng nanyari kay Diego Silang? Pinatay. Ano’ng nangyari kay Rizal? Binaril. Ano’ng nangyari kay Bonifacio? Pinatay ng mga kapwa niya rebolusyunaryo. At hindi lang kay Bonifacio nangyari iyon, kay Antonio Luna din. Si Aguinaldo? Hayun, nahuli’t kinailangang maging tuta ng mga Kano. Si Macario Sakay? Binitay. Kaawa-awa ang kasaysayan ng Pilipinas. Puros pagkasawi at pagkatalo. Kaya hindi kataka-taka na naghahanap tayo ng mga bayani kahit sa man lang larangan ng boksing.

Kung paghahambingin ang kasaysayan ng Pilipinas sa Kasaysayan ng Mundo, parang napakaikli ng sa atin. Dulot na rin siguro ito ng kolonyal nating karanasan. Palaging nagsisimula sa pagdating ni Magellan. May mga teorya, halimbawa, tungkol sa pagdating ng mga unang tao sa Pilipinas, kung aling Imperyong Asyano ang nagkaroon ng impluwensiya dito sa Pilipinas. Ngunit walang kuwento o naratibo ang malilikha hanggang sa dumating si Magellan.

At marahil doon magsisimula ang kuwento ng pagkasawi ng Pilipinas. Dahil nagsimula ang kuwento hindi sa simulang gusto natin kundi sa simulang gusto ng iba. Kaya’t kahit namatay si Magellan sa Mactan, natalo ang Pilipinas dahil sa kanyang pagkamatay sinisimulan ang lahat.

***

Unang-una, ano nga ba ang Kasaysayan? Sa pinakabuod nito at pinakatradisyunal nitong anyo, isa itong naratibo. Paglalatag ito ng mga mahahalagang pangyayari na kinasangkutan ng mahahalagang tao sa mga mahahalagang sandali’t lugar. At dahil naratibo, malaki ang impluwensiya nito sa kamalayan. Tulad ng paghubog na ginagawa ng mga kuwentong nasa puso’t isipan ng isang tao sa kanyang kamalayan, hinuhubog din ng Kasaysayan ang kamalayan ng tao. Dinidikta ng Kasaysayan na alam mo ang iyong pananaw sa mundo.

Kaya’t napakahalaga ng Kasaysayan. Ito ang isa sa mga maraming bagay na humuhubog sa isang tao. Ngunit isang aspekto lamang ng Kasaysayan ang nailalarawan ko. Hindi lamang natin nakakaharap ang Kasaysayan bilang naratibo. Nararanasan din natin ang Kasaysayan sa pang-araw-araw na buhay. Araw-araw tayong nakikibahagi sa Kasaysayan. Ang araw-araw ay palaging lumilipas at nagiging bahagi ng Kasaysayan. Palaging may personal na aspekto ang Kasaysayan.

Kaya mapapatanong ako, iniisip ba ng ordinaryong tao ang kasaysayan sa pang-araw-araw niyang buhay? Marahil hindi. Hindi niya iniisip kung ano ang hitsura ng kanyang pinagtatrabahuhan dati 50 o 60 taon na ang nakararaan maliban na lang kung ganoon katanda ang gusaling pinagtatrabahuhan niya. Kalimita’y nakatuon ang ordinaryong mamamayan sa kanyang ngayon, sa kanyang kailangang gawin ngayon. Hindi sa nakaraan. Sa mga holiday lamang tumatatak sa utak ng ordinaryong tao ang kasaysayan at hindi pa nga tungkol sa halaga ng araw na iyon sa ating Kasaysayan kundi dahil may bakasyon. Kung gayon, may bigat nga ba ang Kasaysayan para sa atin?

Kaya’t medyo nakalulungkot ito dahil, para sa akin, napakahalaga ng Kasaysayan. Popular na kasabihan na ang nakaraan ang nagtatakda ng ating kasalukuyan at ng hinaharap. Kaya’t para sa mga kuwentong ito, gusto kong pansinin hindi lamang ang mga mahahalagang pangyayari sa nakaraan kundi kung paano natin dinadanas ang Kasaysayan. Hindi ang pagtatanghal sa “Nakaraan” o “Kasaysayan” ang gagawin ko.

***

Maraming mga historyador ang malay sa isang pagtatangkang “bawiin” ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa isang “banyagang” pananaw. Maraming pagtatangka na gumawa ng “people’s history” o kaya’y “history from below”. Kasaysayan natin para sa atin na gawa natin. Interesante itong pananaw dahil matindi ang umiiral na politika sa loob ng Kasaysayan at malay ang mga historyador tungkol dito. Kaya ang tingin sa Kasaysayan ay hindi obhektibong pagtatala ng mga pangyayari. Ang Kasaysayan, partikular na ang Kasaysayan natin, ay mayroon nang pagkiling na kailangang itama.

Pero paano mo itatama ang Kasaysayang alam mo nang tagilid o kaya’y puno ng mali? Hindi ba’t may panganib na maging tagilid din ang Kasaysayang isusulat? Paano kung walang Kasaysayang lubos na tama o tunay? Nagiging malinaw na ang Kasaysayan ay isang likha na representatibo ng isang politikal na tunguhin. Gayundin, parang kaduda-duda palagi ang Kasaysayan. Na para bang palaging may hidden agenda ang mga historyador. Kaya’t parang isang napakalaking black hole ang Kasaysayan. Kahit na anong gawin mong pagpupuno, hindi ito napupuno. Walang nakakawala sa Kasaysayan ngunit parang ang hirap sukatin ng halaga ng Kasaysayan para sa atin.

Kaya’t sa proyekto kong ito, isa nga bang “pagbawi” ang gagawin ko? Paano kung tuluyan nang naglaho ang gustong bawiin? May mga bagay mula sa nakaraan ang nananatili pero nabahiran na ito. Hindi na ito puro kung magpapaka-nativist tayo. Kailangang maging malay na lumilikha ako, lumilikha tayo, ng Kasaysayan.

Hindi na mababawi ang nakaraan. Nakaraan na ito. Ang maaari lamang mabawi ay ang kakayahang isalaysay ang sariling Kasaysayan. Babalikan ko ang talinghaga ng blackhole. Mukhang negatibo ito ngunit positibo din ito. Makapangyarihan ito at kung wala ito, wala rin ang isang galaxy. Kung walang Kasaysayan, wala tayong sentrong mapag-iikutan.

***

Ayokong masyadong seryosohin ang Kasaysayan. “Kasaysayan.” Parang napakaseryoso nang paksa, seseryosohin ko pa nang sobra-sobra sa loob ng mga kuwento ko. Gayundin, hindi naman talaga isang kasaysayan ang isinusulat ko kundi mga kuwento. Kaya gusto kong paglaruan ang Kasaysayan. Maglaro sa forma. Maglaro sa nilalaman. Mag-pastiche. Hubugin ito ayon sa kagustuhan ko o sa pangangailangan ng proyekto ng partikular na kuwento.

Kailangang linawin, di ibig sabihing gusto kong maglaro ay gusto ko nang bastusin ang Kasaysayan. Bagaman nakakaaliw, may seryosong tunguhin ang mga laro. Sa tradisyonal na panulaan, tinatangka ng laro ng bugtong na hasain ang isip ng tagapakinig ng bugtong at palawigin ang kanyang imahenasyon. Isang pakikipagtunggalian ang laro sa pagitan ng mga kalahok tungo sa pangkalahatang ikabubuti nila. Ngunit napakamakapangyarihan ng Kasaysayan. Mahirap makipaglaro sa isang katunggaling napakalakas. Kung babalikan ang talinghaga ng blackhole, maaari akong mahigop tungo sa kawalan. Ngunit kapana-panabik ang mga larong alam mong dehado ka. Bagaman malaki ang tsansang matalo ka, kapag nanalo ka naman, parang napakasarap ng pakiramdam.

Gayundin, kapag sinabing pastiche, parang napakanegatibo din nito. Isang panggagaya. Nililinaw ni Fredric Jameson ang pagkakaiba ng parody at pastiche. Halos pareho lang ang ginagawa ng dalawa, isang panggagaya. Ngunit may bahid ng katatawanan ang parody dahil pinagtatawanan nito ang orihinal. Sa pastiche, walang ganitong tawa. Pero hindi dahil walang tawa, seryoso na agad. Hindi dahil walang tawa, wala nang laro.

Hindi lamang mga forma, mga dokumento’t mga talang ikinakabit natin at nagiging mahalaga sa pag-unawa at pagdanas natin sa Kasaysayan, ang gusto kong i-pastiche. Gusto ko ring i-pastiche at mahuli ang kapangyarihan ng Kasaysayan. Gusto kong bigyan ng enerhiya’t kapangyarihan ang mga akda ko ng tulad sa pagbasa natin sa mga pangunahing tekstong pangkasaysayan. Ulit, malaki ang galang ko sa Kasaysayan. Isa itong malaking blackhole at kailangang pag-ingatin ang pakikitungo dito. Ngunit sa aking paglalaro at pakikipaglaro sa Kasaysayan, gusto kong busisiin ang kaibuturan ng kapangyarihan ng Kasaysayan. Paano nga ba gumagana ang Kasaysayan? Ano ba ang pinagkaiba nito sa ibang kuwento, ibang naratibo?

Kaya ayokong magsulat lamang ng “historical fiction”. Ayon kay Virgilio Almario, maraming mga kathang historikal ang napapasailalim sa mistipikasyon ng kasaysayan. Nakukulong ang mga akda sa di-mabaling “tadhana” na inilalatag ng Kasaysayan. Gusto kong lagpasan ang tadhana ng Kasaysayan. At sa tingin ko, sa paglalaro ko lamang ito magagawa.

***

Interesante para sa akin ang isang episode ng Crossroads sa ANC kung kailan pinag-usapan nila ang konsepto ng “kabayanihan” at kaugnay nito ang Kasaysayan. Pangunahing panauhin sina Jonathan Balsamo, tagapagsalita ng Philippine Historical Association at si Rep. Liwayway Vinzons-Chato. Tinatangka ni Rep. Vinzons-Chato na isabatas ang pagiging bayani ni Presidente Cory Aquino at kasabay noon ay formal na ilatag ang isang malinaw na proseso ng pagpaparangal sa mga bayani. Marami ang mga isyu na ang naungkat tungkol sa tamang sandali ng pagtatanghal ng isang bayani. Dapat lang bang parangalan ang isang tao bilang bayani habang buhay siya? Dapat bang parangalan siya pagkatapos na pagkatapos niyang mamatay? Kailangan bang maghintay lumipas ang isa o dalawang henerasyon bago natin sila parangalan?

Kakatwa ang diskusyon dahil lumalabas ang isyu ng panahon. Pabor si Rep. Vinzons-Chato sa agarang pagpaparangal sa isang tao dahil baka malimutan ang kanyang kabayanihan. Hindi naman lumalayo si Jonathan Balsamo sa nakagawiang paghihintay dahil sa paghihintay doon nahahasa’t nasusuri kung tunay nga bang mahalaga sa kamalayan ng sambayanan ang kabayanihan ng isang bayani. Lumalabas sa diskusyon ang isyu ng kamalayan at, sa isang banda, ng imahenasyon ng sambayanan. Kailangang magmalay ang mga mamamayan sa partikular na kuwento ng isang bayani upang tanggapin siya bilang bayani. Ngunit saan ba nagsisimula ang pagkukuwento ng kuwento ng isang bayani? Mula ba sa mga historyador na luklukan ng opisyal na kasaysayan o sa imahenasyon at karanasan ng sambayanan na dapat sana'y nakararanas ng kontribusyon ng mga bayani?

***

Ano nga ba ang relasyon ng Kasaysayan at Panitikan? Ayon kay Caroline Hau, kakaiba ang relasyong ito para sa Pilipinas. Nang tanghalin ang mga akda ni Jose Rizal bilang pangunahing teksto sa pagsasabansa, malalim na ang ugnayan ng Panitikan at Kasaysayan sa Pilipinas. Tinitingnan ang Panitikan bilang sisidlan ng kamalayang makabayan. Sa madaling salita, nagiging kasangkapan ang Panitikan ng Kasaysayan, ng pagsasabansa ng Pilipinas. Bakit nagkaganito? Dahil pala-palaging tinitingnan ang mga akdang pampanitikan, partikular ang mga kuwento’t nobela, bilang mga testamento ng partikular na sandali ng Kasaysayan. Samakatuwid, ang mga akdang pampanitikan ay lumilipas, tulad ng Kasaysayan. Pero paano kung baligtarin ko at gawin kong kasangkapan ng Panitikan ang Kasaysayan? Maaari bang mapako ang isang akdang historikal katulad ng pagpapakong ginagawa sa isang akdang pampanitikan bilang salamin ng isang partikular na sandali ng panahon? Noli at Fili sa panahon ng pagtatapos ng Kolonyalismong Espanyol. Banaag at Sikat at Pinaglahuan para sa mga unang taon ng Kolonyalismong Amerikano. Sa mga Kuko ng Liwanag para sa dekada 60. Kaya ba ng kathang historikal na lumutang mula sa isang partikular na sandaling pangkasaysayan habang sabay na nakikipaglaro sa Kasaysayan?

***

Isang komento ni Dave Lozada, naging guro sa Western History noong undergrad, tungkol sa henerasyon naming namulat pagkatapos ng People Power: na sa batang edad namin, malalim at marami nang mga politikal na pangyayari ang aming pinagdaanan. Ilang presidente, eleksiyon, kudeta, kontrobersiya at iba pa ang napagdaanan namin at marami sa amin ay hindi pa pwedeng bumuto noong sinabi niya iyon. Pero kung titingnan ko ang sarili ko at ng mga kahenerasyon ko, parang hindi naman talaga ganoon kahalaga ang mga karanasang ito. Nasaan na nga ba ang Kasaysayan sa aming buhay?
link1 comment|post comment

Excerpt 3 [Aug. 27th, 2009|12:05 pm]
[Tags|]
[mood | tired]

Sipi mula sa isang kuwento para sa thesis. (May talababa ang kuwentong ito.)

Relacion de las Islas de San Gabriel )

linkpost comment

Dahil kailangang magparamdam sa mundo... [Aug. 22nd, 2009|02:18 pm]
[Tags|]

1.

Madaming ginawa sa nakalipas na mga linggo kaya hindi masyadong nakapag-update ng blog. Una, Buwan ng Wika at Kultura sa Ateneo. Pumunta ako sa talk na inihanda ng Kagawaran ng Filipino at ng Pilosopiya noong Agosto 12 sa Leong Hall. Na-upload ko na sa aking Multiply ang mga audio files ng panayam na ito. Noong Agosto 17 naman, nagbigay ng panayam si Ricky Lee tungkol sa kanyang pagsusulat partikular ang kanyang unang nobelang "Para kay B". Ibibigay ko pa sa Heights ang kopya ko ng audio file at mga litrato. Noong Agosto 20 naman, idinaos ang Sagala ng mga Sikat. Sa susunod na lang ang mga picture. Sa susunod na Linggo, nakasalang ang "Kasarisarian" at "Bigkasaysayan" na mga panayam na inihanda ng Heights katuwang ang Kagawaran ng Filipino. Gayundin, sa Miyerkules na rin ang KA Poetry Jamming. Pararangalan doon ang mga nagwagi sa Sagala ng mga Sikat at sa ibang mga patimpalak ng Kagawaran. May performance din ako doon (maliit lang) bilang pagtulong sa kabuuang performance ni G. Yol Jamendang. Tapos ko na nga rin palang magpasa ng advisory mark at tsekan ang mahabang pagsusulit ng mga estudyante.

Noong nakaraang Sabado, nag-overnight kaming magkakaibigan sa high school sa bahay nina Krisette sa San Pablo. Kainan, inuman, pelikula at Wii ang buong gabi. Medyo ramdam ko pa ang kakulangan ng tulog hanggang ngayon. (Medyo nabawi-bawi ko na nitong nakalipas na mga holiday). Babalik na ngayong araw si Krisette patungong Hawaii. Maging ligtas at mabuti sana ang paglalakbay niya.

2. Public Enemies

Matagal na ito pero ngayon ko lang mapag-uusapan. Umiikot ang pelikula kay John Dillinger (na ginampanan ni Johnny Depp) noong Depression Era sa Amerika. Mala-Robin Hood ang pagkakalarawan kay Dillinger. Ang pangunahing tensiyon na nakikita ko ay ang pag-usbong ng FBI upang labanan ang mga gang na kinabibilangan ni Dillinger. At si Melvin Purvis (na ginampanan ni Christian Bale) ang naatasan upang hulihin ang mga "public enemies" na ito.

Para sa akin, hindi ito sobrang gandang pelikula. Okey lang ito na pelikula. Pero magagaling ang mga performance nina Johnny Depp at Christian Bale. Ramdam ko ang trauma sa mukha ni Bale kapag may namamatay siyang kasamang pulis (pero pagminsan medyo natatagalan ako sa mga sandaling iyon). Kakaiba rin ang camera-work dahil na rin siguro na hi-def digital ang ginagamit na teknolohiya.  Mahirap ihanay ito sa pelikulang tulad ng "The Goodfellas" pero nahuli naman ata nito ang timpla ng panahon na tinatangka nitong hulihin.

3. Up

Pinanood ko ang "Up" ng Pixar kahapon. Masaya itong pelikula na may madamdaming kabig. Umiikot ang kuwento kay Carl, isang retirado, na nagluluksa pa rin pagkatapos mamatay ng kanyang asawa. Bilang pagtupad ng kanyang pangako, tinangka niyang dalhin sa South America ang kanilang tahanan gamit ang daan-daang lobo. Kasama sa kanyang paglalakbay si Russell, isang scout na naghahanap ng matutulungang matanda para sa kanyang badge, si Kevin, isang higanteng ibon, at si Dug, isang asong naghahanap ng pagmamahal. Pambata man ang pelikula, matinding lungkot at pangungulila ang nararanasan ng mga tauhan partikular sina Carl at Russell. At ito ang nag-uudyok sa kanilang paglalakbay.
link2 comments|post comment

Parang ang daming gustong sabihin... [Aug. 8th, 2009|07:31 pm]
[Tags|]
[mood | tired]

1. Thesis

Nakipagkonsulta na ako kay Sir Vim Yapan tungkol sa thesis. Nagbigay na ako ng mga kuwento sa kanya at malinaw ang kanyang evaluation: not good enough. Masyado daw safe. Wala daw "libog". (Love that term.) Siguro, masyado lang talaga akong nako-conscious at nape-pressure sa mga bagay-bagay. Mukhang nagkakawala ng loob pero, sa totoo lang, nabuhayan ako. Dahil sa dulo ng konsultasyon, hinamon ako ni Sir Vim (mas assignment talaga pero kinukuha kong hamon) na sa susunod na magpapakonsulta ako, magbibigay ako ng isang akda na nagpapakita talaga ng "the best" ko, yung tipo ng pagsulat na masasabi kong gusto kong tunguhin. Kasama na rin doon ang mga awtor na gusto kong gayahin o nag-i-inspire sa akin sa ngayon.

Sa mga oras pagkatapos noon, medyo nabalisa ako. Paano na? Halos simula sa zero ang naging dating. Pagkauwi ko, balisa pa rin ako pero bago matulog, naliwanagan ako. Naalala ko ang isang ideya para sa kuwento na isinantabi ko at hindi ko talaga isinama sa thesis kasi masyadong mahirap. At naisip kong baka iyon ang kailangan kong gawin, iyong pahirapan ang sarili ko sa mga mahihirap na proyekto. Dahil ang mga nakalipas na mga kuwentong naisulat ko, kahit mukhang interesante, hindi naman talaga pinahirapan o hindi ko pinaghirapan. Kaya nga siguro nawalan ng libog ang mga kuwento. Walang paghihirap sa aking parte. Kaya noong ala-una ng umaga, binalikan ko ang MS Word file na sa laptop ko at inisip nang mabuti kung ano nga ba ang gusto kong gawin sa kuwentong iyon. At nagsimula akong magsulat ng isa't kalahating oras. Natulog ako nang mga alas-dos y medya at nagising noong alas-otso y medya. Miyerkules iyon kaya habang nagsusulat, nanonood ako ng paglalakbay ng labi ni Pres. Cory Aquino mula Manila Cathedral hanggang Manila Memorial. Sa pagsapit ng gabi, naka-tatlong pahina ako, single spaced. Pagod pa rin ako hanggang ngayon sa pagsusulat pero hindi na ako makapaghintay na tapusin ang kuwento. At mukhang nagiging gabay ang pagsusulat ng kuwentong ito ang gusto kong gawin para sa thesis ko. At may ideya na rin ako kung sinong mga manunulat ang gusto kong itanghal na gusto kong gayahin o maging inspirasyon. Sa ngayon, focus ko muna ay tapusin ang kuwento at makipagkosulta agad kay Sir Vim.

2. Thesis Writing Mantra

Kaya  heto, nakapag-iisip din ako ng Thesis Writing Mantra para sa akin, mga gabay upang hindi ako mawala sa focus. Ipino-post ko ito sa Facebook. Heto ang mga naisip ko sa ngayon:

#1:Huwag basta-basta magkukuwento. Magkuwento dahil masarap magkuwento.
#2: Iyong masarap ikuwento ay yung mga kuwentong hindi ka sigurado kung epic win o epic fail. Pero kahit na hindi ka sigurado, masarap pa ring isulat. Kung sigurado kang hindi epic fail ang sinusulat mo, siguradong may problema. Kung sigurado kang epic win ang sinusulat mo, may problema din.
#3: Ang thesis adviser lamang ang makapagsasabi kung ang iyong kuwento ay epic win.
#4: Huwag kakalimutang kumain at matulog. Walang halaga ang kuwento kung wala kang lakas at huwisyo para isulat ito.
#5: Huwag din nga palang makalimutang maligo.
#6: Ang isang kuwento, kahit na seryoso ang tono, ay isang malaking joke. Kaya huwag mahihiyang kung nakangiti ka habang nagsusulat. (Halaw kay Kundera)

3. National Artist Awards

Marami na'ng nasabi tungkol dito ngunit malinaw ang hinanakit ng maraming manunulat, pintor at artista. Na ang ginawa ng Malakanyang ay isang pambabastos at pang-aabuso sa kapangyarihan na nasa kamay ng Pangulo. Hindi isyu ang "kalidad" o "kwalipikasyon". Ang isyu ay ang proseso. Bakit pa ba nagpapakahirap ang mga tao sa pagpili ng mga nominado kung babaliwalain lamang ito? Gayundin, anong karapatan ng "honors committee" ng Malakanyang na iisantabi ang listahan na ibinigay ng NCCA at CCP at baliwalain ang opinyon ng mga eksperto? Sino ba sila? Ang paggagawad ng mga Parangal, sa sining o kahit na saang larangan, ay salamin ng mga kahalagahan (values) na pinahahalagahan ng naggagawad. Kung ang sistema ng paggagawad ay aabusuhin, abusado ang naggagawad. Kung bastos ang ginawaran, bastos ang nanggagawad.

4.

Natapos kanina ang pinakaunang AILAP Strategic Planning. Naliwanagan ang ako sa maraming mga bagay tungkol sa AILAP at nakakatuwang makita ang mga plano at proyekto. Aliw talaga kahit nakakapagod.

5.

Sulat muna ng kuwento ha. At gawa na rin ng long test.

link3 comments|post comment

Excerpt 2.1 [Aug. 1st, 2009|11:38 pm]
[Tags|]
[mood | stressed]

Binalikan ko ang isang proyektong pansamantala kong inabandona dahil umaalagwa ako't kung saan-saang pumupunta ang akda. Heto ang resulta sa ngayon. Ewan ko kung isasama ko ito sa thesis o may tsansa ba talaga itong malathala sa isang journal kasi sobrang eksperimental ito. Bukas na forma. Pero tinangka kong magtimpi. Para hindi umalagwa tulad ng dati. Mukhang mabagal na sulatan ito.

Ito ang pansamantalang pamagat nito -- Kasaysayan )
linkpost comment

Cinemalaya Rebyu Edition Part 2 (Mag-ingat sa Spoilers) [Jul. 27th, 2009|01:25 pm]
[Tags|]
[mood | sleepy]

1.

Kagabi ang Awarding Ceremony ng Cinemalaya at nakakatuwang malamang nanalo ng Special Jury Prize "Ang Panggagahasa kay Fe" at Best Actress si Ina.

Astig )

Colorum )

Ang Nerseri )

Dinig Sana Kita )

6.

Tingnan ko kung mapapanood ang "Last Supper No. 3" at "Sanglaan" pagdating ng Cinemalaya sa UP.

link1 comment|post comment

Cinemalaya Redyu Edition (Mag-ingat sa Spoilers) [Jul. 24th, 2009|03:00 pm]
[Tags|]

1.

Oo, nag-commute ako papuntang CCP galing Katipunan, and back. At gagawin ko ulit iyon bukas. May tanong? Sa ngayon apat na competition films pa lamang ang mapapanood ko: "Ang Panggagahasa kay Fe", "Engkwentro", "Mangatyanan" at "24K". Apat pa ang papanoorin ko bukas: "Astig", "Colorum", "Nerseri" at "Dinig Sana Kita". Naubusan na ako ng oras para mapanood agad ang "Sanglaan" at "Last Supper No. 3".

Engkwentro )

Mangatyanan )

24K )

Ang Panggagahasa kay Fe )
linkpost comment

Bago at mas detalyadong press release para sa UBOD 2009 [Jul. 20th, 2009|03:42 pm]

UBOD Writers Series 2009 Announces Call for Submissions

The National Commission on Culture and the Arts (NCCA), the National Committee on Literary Arts (NCLA) and the Ateneo Institute of Literary Arts and Practice (AILAP) are now accepting manuscripts for the UBOD series 2009.  12 writers who have not released book-length titles will be given a chance to have their first book published under UBOD New Authors Series. 

The qualified languages are: Luzon (Tagalog, Bikolano, Ilokano,Kapampangan, Pangasinense), Visayas (Cebuano, Waray. Kinaray-a, Hiligaynon) and Mindanao (Maranao, Tausug, Magindanaon, Chavacano).  The manuscript should be 40-60 pages in chapbook length.  20-40 poems or 5-10 short fiction.  The most exceptional pieces in their manuscript shall be translated into Filipino or English. 

Send two copies of the manuscript to the Ateneo Institute of Literary Arts and Practice (AILAP) c/o The Department of Filipino, 3rd Floor Dela Costa Bldg., School of Humanities, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City 1108. Include a CD of the manuscript and one page curriculum vitae with the author’s name, contact number and e-mail address and 1X1 picture. 

Deadline will be on Aug. 15, 2009

For inquiries, please e-mail ailap@admu.edu.ph or call 426-6001 loc. 5320-5321.

linkpost comment

Butas, etc. [Jul. 10th, 2009|04:10 pm]
[Tags|]
[mood | sleepy]

1. Butas

Humilom na ang ginalid ko pagkatapos magpatanggal ng wisdom tooth. Ang problema lang, sumasabit ang pagkain at tinga sa butas na naiwan pagkatapos tanggalin ang wisdom tooth. Kailangan ko tuloy magmumog nang mabuti pagkatapos kumain.

2. Auto

Headline kanina sa ANC na inaprubahan na ng SEC ang joint venture ng Smartmatic at TIM. Kebs. Sa personal na opinyon ko, kahit na automated o hindi ang eleksiyon, marami pa ring nadadaya. Hindi ibig sabihing may kaharap kang makina, mapagkakatiwalaan na iyon. Pala-palaging may tao sa likod ng mga makina. Mariming itinatago ang makinang nasa harapan mo na maaaring hindi mo maintindihan. Iyon ang mapanganib sa automated. Kahit na anong gawing pagtatangkang maging transparent ng sistema, hindi pa rin transparent.

3. Sidenote

Napanood n'yo na ba ang ad ng Comelec na naghihikayat magparehistro ng mga tao? Ang pangit, di ba? Parang high school project. Langya, parang mas maganda pa nga ang ilang mga high school project diyan. Wala lang. Natawa lang ako sa kapangitan ng ad na iyon.

4. Brothers

Natapos ko na ring basahin (sa wakas) ang dambuhalang "Brothers" ni Yu Hua. Napasama sa short list ito noong nakaraang Man Asia Literary Prize kung kailan nanalo si Chuck Syjuco. Tungkol ang nobela sa magkapatid na Song Gang at Baldy Li. Mas pwedeng tawagin silang adoptive brothers dahil hindi naman talaga sila dugong magkapatid. Nang mabalo ang ama ni Song Gang at ina ni Baldy Li, nagpakasal sila at naging "magkapatid" sina Song Gang at Baldy Li. Ngunit hindi lamang ang ugnayang ito ang nagpatatag sa kanilang pagiging magkapatid. Lumaki silang dalawa sa panahon ng Cultural Revolution at ang kanilang karanasan ng pagkaapi at pagkasawi nang mga panahong iyon ang nagbuklod sa kanilang dalawa. Mula sa kanilang kabataan, dadalhin tayo ng nobela sa kanilang pagtanda. Mapapangasawa ni Song Gang ang pinakamagandang dalaga ng bayan nila, si Lin Hong, habang magiging mayaman at makapangyarihan si Baldy Li sa panahon ng pag-ugat ng matinding kapitalismo sa Tsina.

Puno ng irony ang nobela at mula dito nanggagaling ang pagpapatawa. May ibang pagkakataon naman na gumagamit ng slapstick ang nobela para magpatawa. Ngunit malinaw na pinagtatawanan ng nobela ang kakatwang sitwasyon ngayon ng Tsina bilang yumayaman at nagiging makapangyarihang bansa. Interesante rin ang ugnayan ng sekswalidad at pag-unlad. Inilalarawan si Baldy Li bilang malibog na tao habang kabaligtaran naman si Song Gang. Ano ang ugnayan nito sa magkataliwas na kinahinatnan nila sa dulo? May ugnayan ba ang ambisyon at sekswalidad?

Huli tala, may ilang typo akong nasalubong habang binabasa ang nobela. Mukhang minadali ang pagpapalabas ng nobela. Gayundin, may mga pangungusap na medyo awkward. Pero isa itong nakakatawang nobela at mas nag-enjoy ako dito kumpara sa mas seryosong "Wolf Totem".

5. Of Love and Other Demons

Katatapos ko lang basahin ang "Of Love and Other Demons" ni Gabriel Garcia Marquez. Tipikal na Gracia Marquez ang nobela. Tungkol ang nobela sa buhay ni Sierva Maria, anak ng isang marquis, at kung paano siya namatay diumano sa rabis. At iimbestigahan siya bilang posibleng sinasapian ng demonyo. Ngunit lunsaran lamang ang nangyari kay Sierva Maria upang maging lunsaran ng konsepto ng nobela tungkol sa sapi/sanib o possession. At lilitaw ang konsepto na ito sa iba pang mga tauhan ng nobela. Lulong sa droga ang ina ni Sierva, isang literal na pagkasapi ng "masamanng espiritu" ngunit sintomas lang naman talaga ng pagsisisi't lungkot na nauna nang sumapi sa kanya. Madidiskaril ang magandang hinaharap ni Padre Cayetano sa kanyang pag-ibig kay Sierva Maria. Sasabihin pa niya na nasasapian siya ng demonyo dahil sa kanyang pagmamahal. Sinasapian naman ng kapangyarihan ang Obispo at malinaw na makikita ito sa kanyang pagtatangkang i-exorcise si Sierva Maria. Pride naman ang sumasapi kay Abernuncio lalo na ang kanyang kasiguraduhan sa kapangyarihan niyang manggamot. Kaya't hindi lamang iisa ang mukha ng demonyo tulad na hindi lamang iisa ang pangunahing tauhan sa mga akda ni Garcia Marquez.

6. Link

The soil of youth?

Sperm na nilikha sa laboratoryo. Parang gawain ata ito ng DTnL.

Araw-araw na sex, mabuti sa sperm. Ito ang gawain ng TnL.

Top 10 Disaster Stories

Ano ba talagang nangyari sa Roswell?


Dapat bang ituro ang Creative Writing?

Space storms? Meron pala noon.

Isa na namang hakbang tungo sa world domination ng mga robot.

Mailap na usa sa Negros.

Bituing maningning.

Mga kambing sa Taiwan, hindi makatulog. Patay! Ang suspek: wind turbines. Kawawang mga kambing.

Paano maglagay ng 300 DVD sa loob ng iisang disc.

Sex-themed theme park sa Tsina, joke lang pala.


Mas malakas daw ang resistensya ng mga babae kaysa sa mga lalaki.

Mas mukhang bata ang mga nagda-diet na unggoy kaysa sa mga masisiba. Totoo kaya ito para sa mga tao?
link2 comments|post comment

navigation
[ viewing | most recent entries ]
[ go | earlier ]

Advertisement